Nagpahayag ng suporta ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa plano ng Commission on Elections (COMELEC) na pagsasama o integration ng voters’ education sa K-12 curriculum.
Ayon kay PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano, maging ang PPCRV ay mayroong binubuong module na magsilbing gabay sa paghuhubog ng mga kabataang makabayan at mulat sa kahalagahan ng demokrasya at halalan sa bansa.
Sinabp pa ni Serrano na mas higit na tinututukan ng PPCRV ang pagsusulong ng pagiging makabayan ng mga kabataan upang mas madaling magpaliwanag sa kahalagahan at kasagraduhan ng halalan sa bansa.
“Yes [we’ll support COMELEC] in fact were also coming out with our own module kaya gusto din naming yan which ever ang gagamitin basta’t huwag lang sana po-focus masyado sa eleksyon, kasi yung sa module namin will focus more on the patriotism or love of country, hindi masyado sa eleksyon kasi eleksyon madaling matutunan yun.” dagdag ni Serrano .
HIgit na tinututukan ng PPCRV ang pagbibigay ng kaalaman sa mga kabataan sa kahalagahan ng demokrasya kung saan kaakibat nito ang pagkakaroon ng regular na halalan sa bansa, at ang matalinong pagpili ng mga lider na magbibigay direksyon sa hinaharap ng bansa.
Nilinaw naman ng PPCRV na anuman ang nakapaloob sa module na isusulong ng COMELEC para sa integration ng voters’ education sa K-12 curriculum ay nakahanda silang umagapay at makibahagi sa mga programa ng ahensya. (Carl Angelo)