Insurance coordinator, niratrat ng riding-in-tandem, patay

By: Baby Cuevas

Agad na nasawi ang isang 55-anyos na insurance coordinator matapos itong ratratin sa loob mismo ng sarili niyang tahanan sa Priscilla Street, Sta. Cruz, Maynila ng mga suspek na sakay ng motorsiklo, kamakalawa ng umaga.

Patay sa tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Joseph Frigillana y Trinidad, ng 0664 Purok 2, Barihan, Malolos, Bulacan.


Masuwerte namang di tinamaan ang ka-live in nitong si Jessiefer Galdones, 25, na noon ay kasama ng biktima sa bahay.

Ang mga suspek ay inilarawan ni PMajor Dennis Turla,hepe ng MPD-homicide section, na nakasuot ng kulay pulang helmet,asul na t- shirt at itim na pantalon at rubber shoes,habang ang isang suspek ay nakasuot ng kulay asul na helmet, gray na pantalon at itim na rubber shoes. Sila ay sakay ng isang kulay puting motorsiklo.

Ang insidente ay naganap alas- 11 ng umaga, kung saan kadarating lang ng mag-live in sa lugar para mamasyal nang dumating ang dalawang suspek lulan ng motorsiklo.


Nang makita ang biktima ay kaagad itong pinaulanan ng bala at matapos makitang napuruhan ay mabilis na tumakas ang dalawang suspek papunta sa direksiyon ng Herrera Street, Sta. Cruz, Maynila.

Mabilis na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima pero binawian rin ito ng buhay.


Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Dayo lamang umano sa lugar ang biktima at posibleng sinusundan ito ng mga suspek bago binaril.


Tags: MPD-Homicide Section

You May Also Like

Most Read

Latest News