Inirekomenda ng Philippine Federation of Professional Associations (PFPA) sa gobyerno na ang pagbibigay ng insentibo at scholarship ang nakikita nilang solusyon para matugunan ang kakapusan ng bansa sa healthcare workers.
Sinabi ni PFPA Vice President Dr. Benito Atienza sa isang public briefing na maraming kabataan sa bansa ang gustong maging doktor at nurses pero walang sapat na pera.para sa kanilang college education.
“Bigyan natin ng insentibo lalo na ‘yung mga mahuhusay natin ay bigyan natin ng scholarship,” ayon kay Atienza.
“Kapag nakapag-aral naman sila ay magse-serbisyo naman sila ng ilang taon, dapat ganito yung ating process, hindi ‘yung kapag kulang na ‘yung nurses saka tayo gagawa ng solusyon ,” dagdag ni Atienza.
Ayon kay Atienza sa pakikipagpulong sa Philippine Nurses Association kamakailan ,marami umanong nurses ang umaalis sa bansa dahil mas madali sa kanila makakuha ng trabaho sa abroad matapos makumpleto ang isang taon work experience sa bansa.
Bukod pa sa ang inisyal na suweldo ng nurses sa abroad ay nagkakahalaga ng P75,000 kada buwan.
Nanawagan rin si Atienza para sa amendment ng Magna Carta of Public Health Workers na.mahigit 1 taon nang isinasagawa.
Layunin nito na.mai-standardize ang suweldo ng mga nurse sa pribadong ospital at makaparehas sa pampublikong hospital.
“Matagal na natin hinihingi yan sa Senate, sa Congress, matagal na po yan, dapat pong i-upgrade na yan, ‘yung (We’ve been requesting that from the Senate, the Congress, it has been a long time, it must be upgraded, the) magna carta for healthcare workers,” giit ni Atienza.
Noong nakalipas na linggo, sinabi ng Department of Health (DOH) na may kabuuang 106,000 nurses ang kinakailangan ng pampubliko at pribadong hospital sa bansa. (Jaymel Manuel)