Binawian ng buhay ang isang inmate na siyam na araw pa lamang na nakakulong matapos lamang na dumanas ng sakit ng ulo at tiyan habang nakapiit sa selda ng Manila Police District (MPD) – Ermita Police Station (PS) 5, sa Ermita, Manila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang inmate na si Alejandro San Buenaventura, 35, residente ng 2000 Anakbayan St., Malate, Maynila.
Nabatid na si San Buenaventura ay siyam na araw pa lamang na nakapiit matapos na arestuhin noong Pebrero 19 dahil sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 7610 o The Anti-Child Abuse Law.
Batay sa ulat ni PSSG Irene Jay Manalili ng MPD- Homicide Section, nabatid na dakong alas-6:48 ng gabi nang bigla na lang magreklamo si San Buenaventura ng pananakit ng ulo at tiyan.
Kaagad namang isinugod ang inmate sa Gat Andres Memorial Medical Center ngunit binawian rin ng buhay dakong alas-9:29 ng gabi
Nakatakdang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng inmate upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito.