INIULAT ng Department of Health (DOH) na hanggang nitong Disyembre 31, 2024.ay bumaba umano ng 17%,ang Influenza-like Illness (ILI) na naitala sa bansa.
Ayon sa DOH Surveillance System nasa 179,227 ang naitalang ILI na 17% mababa kumpara sa 216,786 na kasong naitala sa kaparehas na panahon noong 2023.
Hinikayat naman ng DOH ang publiko na isagawa ang respiratory etiquette tulad ng pagtatakip sa ubo gamit ang siko; pananatili sa bahay kapag may ubo, sipon, o lagnat at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig habang nagpapatuloy ang mas malamig na Northeast Monsoon, o panahon ng Amihan.
Binigyang-diin ng DOH na ang panahon ng Amihan ay maaaring humantong sa pagtaas ng mga kondisyon sa paghinga tulad ng allergy o respiratory infections.
Ang ILI ay nailalarawan sa pamamagitan ng ubo, sipon at lagnat. Ito ay karaniwang dahil sa mga respiratory virus na may Rhinovirus (1,257/4,921 o 25.5% ng mga positibong sample), Enterovirus (1,140/4,921 o 23.2%), Influenza A (1,072/4,921 o 21.8%), Respiratory Syncytial Virus (560/4,921 o 11.4%), at Adenovirus (527/4,921 o 10.7%), ang nangungunang limang sanhi ng ILI sa Pilipinas.
Samantala, sa labas ng Pilipinas, ang pagtaas ng mga karaniwang acute respiratory infections, kabilang ang Respiratory Syncytial Virus (RSV) at Human Metapneumovirus (hMPV), ay iniulat ng World Health Organization (WHO) sa Disease Outbreak News nito na may petsang 7 Enero 2025.
Inaasahan umano ang pagtaas ng kaso sa panahon ng taglamig sa Tsina at iba pang mga bansa sa Northern Hemisphere.
Nilinaw din ng mga awtoridad ng China sa WHO na ang healthcare system ng China ay hindi nalulula at walang emergency declaration o response na nangyayari sa kanila.














