HIGIT pang sumirit pataas ang presyo ng mga bilihin nitong nakalipas na buwan ng Mayo na lalo pang pinalala ng pandemya at ng naganap na hidwaan sa Russia at Ukraine na nakakaapekto sa presyo ng petrolyo base sa pag aaral.
Ayon kay National Statistician and Civil Registrar General Dennis Mapa, nakapagrehistro ang bansa ng 5.4% inflation, na lubhang mas mataas kumpara sa 4.9% naitala noong Abril.
Higit ding naging mabilis ang pagmahal ng mga bilihin kung ikukumpara sa 4.1 percent lamang ng parehong buwan noong Mayo 2021.
Kabilang sa mga nag ambag ng malaki sa inflation rate ang pagtaas ng mga alcoholic beverages at tobacco na may 6.8 percent; damit at footwear, 2.1 percent; recreation, sport at culture, 1.7; pati na ang personal care at miscellaneous goods at services, 2.5 percent.
Ang Cordillera ang nanguna sa mga rehiyon sa labas ng Metro Manila na may pinakamabilis na inflation sa 6.9% habang ang BARMM naman ang may pinaka mabagal na pagtaas ng mga bilihin sa 2.4%.
Kaugnay nito ay inaasahan lalo pang tatas ang presyo ng mga bilihin bunsod ng kahilingan ng ilang food manufacturers para sa hirit na dagdag-presyo na kinumpirma Department of Trade and Industry (DTI) .
Ito’y kasunod na rin ng walang tigil na taas ng presyo ng produktong petrolyo at production cost.
Sinabi ni Trade Usec. Ruth Castelo na 3 manufacturers na ang humiling sa ahensya ng price adjustment at masusing pinag-aaralan ng DTI kung papayagan nila ang hirit na price adjustment at kung magkano.
Matatandaan nitong May 11 nang payagan ng DTI na magtaas ng presyo o SRP ang ilang basic necessities at prime commodities kabilang na ang kape, sardinas, canned goods at bottled water.
Kaugnay nito pinangangambahang lolobo din ang bilang ng pamilyang Pinoy ang nakararanas ng pagkagutom
Sa huling pag aaral sinasabing mahigit tatlong milyong pamilya o katumbas ng 12.2 percent ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng kagutuman sa unang quarter ng taon.
Ito ang lumabas sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong April 19 hanggang 27 kung saan tumaas ito ng 0.4 percent kumpara sa 11.8 percent na naitala noong Disyembre 2021.
Sa kabila nito, sinabi ng SWS na mas mababa ito ng 0.9 points sa 13.1 percent na annual average noong nakaraang taon.
Sa 12.2 percent, 9.3 porsyento nito o katumbas ng 2.4 milyong pamilya ang nakaranas ng “moderate hunger” habang 2.9 percent o 744,00 pamilya ang nakaranas naman ng sobrang kagutuman.
Pinakamaraming pamilya ang nakaranas ng gutom sa Metro Manila na may 18.6 percent, sinundan ng Mindanao na may 13.1 percent, balance Luzon na may 11.7 percent at Visayas na may 7.8 percent.
Sinasabing ito na rin ang pinakamataas na naitalang kagutuman sa Metro Manila mula noong July 1998. (VICTOR BALDEMOR)