Dinakip ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Makati City ang isang lalaking Indonesian na wanted sa mga awtoridad sa Jakarta dahil sa umano’y pagkasangkot sa human trafficking syndicate.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang naarestong pugante na nakilalang si Aris Wahyudi, alyas Romeo, 43, ay dinakip ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) sa ilalim ni Rendel Ryan Sy ng BI noong Martes sa Salcedo St., Legaspi Village, Makati City.
Ani Tansingco, nag-isyu siya ng mission order para sa pag-aresto kay Wahyudi matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa Indonesian government na nagnanais na maipa-deport ang suspek upang harapin ang mga kasong isinampa sa kaniya sa kanilang bansa.
Nabatid na si Wahyudi ay subject ng isang arrest warrant na inisyu ng Indonesian national police noong Enero 18 dahil sa krimen na trafficking in persons bunsod nang nagawang paglabag sa probisyon ng Eradication of the Crime of Trafficking in Persons law ng Indonesia, na naglalayong magbigay ng proteksiyon ng migrant workers doon.
Ayon sa mga awtoridad, si Wahyudi ang nag-o-operate ng isang human trafficking syndicate na illegal na nagre-recruit at nagpi-financed ng Indonesian nationals na illegal na dinadala sa Cambodia upang magtrabaho ng walang kaukulang work permits.
Sinabi ni Tansingco na si Wahyudi ay kaagad na ide-deport sa sandaling magpalabas na ang BI board of commissioners ng kautusan para sa kanyang summary deportation.
“As a foreigner accused of human trafficking, his presence here poses a serious risk to our poor countrymen who might also fall prey to his illegal scheme,” anang BI chief.
Ide-deport aniya ang Indonesian dahil sa pagiging undesirable at undocumented alien dahil ang kanyang pasaporte ay napaso na rin noong Agosto 2023 pa.
Nakapiit ngayon si Wahyudi sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang nakabinbin pa ang deportation proceedings nito.