ISANG Indonesian na mangingisda na pitong araw nang stranded sa laot malapit sa Balut Island sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Navy Naval Forces Eastern Mindanao .
Ayon kay Commodore Carlos V Sabarre Commander, Naval Forces Eastern Mindanao nagsagawa ng gunnery exercise ang BRP Tarlac LD 601 sa layong 54.5 nautical miles mula sa exercise area nang makatanggap ang duty radioman ng distress call.
Ito’y galing sa lite boat Tanigue na mayroong 25 na crew na unang nakapansin sa stranded na Indonesian fisherman na si Kamuraan Ama, 50 anyos ng Miangas, Talaud, Indonesia.
Ayon sa NFEM, pitong araw na sa laot ang biktima matapos pumalya ang makina ng bangka nito bago natagpuan ng Lite Boat Tanigue.
Inihatid ng BRP Tarlac ang dayuhang mangingisda at ang bangka nito sa Indonesian Border Crossing Station sa Balut island.
Sinuri rin ng on-duty nurse si Ama. Bukod sa dati nang iniinda na hypertension, nakaranas din ng pagsakit sa tiyan at likod ang biktima.
Inihayag ni Lt Nicheru Brien G Claudio , NFEM Public Information chief, na ligtas na inihatid sa rendezvous point ang mangingisda.
Magugunitang kamakailan ay pinarangalan ng Indonesian government ang mga Pilipinong sundalo sa pagkakaligtas din nila sa mga Indonesian nationals mula sa kamay ng mga terorista. (VICTOR BALDEMOR)