PATONG-PATONG na kaso ang kakaharapin ng isang kasapi ng Philippine National Police na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) matapos na ipag-utos ng National Police Commission na magsagawa ng imbestigasyon at sampahan ng kaukulang kaso kung ito ay makitaan ng mga paglabag sa umiiral na patakaran ng PNP at NAPOLCOM.
Una nang ipinagharap ng kasong inciting to sedition in relation to the Cybercrime Prevention Act si Patrolman Francis Steve Tallion Fontillas, bunsod ng umano’y ‘unauthorized and politically-charged’ social media posts nito bilang reaksyon sa pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahapon ay ipinag-utos ni National Police Commission (Napolcom) Commissioner Rafael Vicente Calinisan na imbestigahan si Fontillas at sampahan ito ng kasong administratibo dahil sa umano’y “partisan activity” nito sa social media kung saan ay binabatikos umano nito ang Marcos administration.
Ipinag-utos ng NAPOLCOM ang paghahain ng kasong administratibo laban kay Fontillas dahil sa ‘partisan remarks’ nito.
Ayon kay Calinisan, ang ginawa ni Fontillas ay paglabag sa Primer on Personnel Decorum at Code of Ethics ng PNP at iba pang PNP rules dahil sa paggamit nito ng social media para sa ‘partisan political activity.’
Malinaw umano na “malicious at criminal in nature” ang mga ipinaskil ni Fontillas sa social media dahil pasok ito sa ‘inciting to sedition.’
Ibinabala din ng Napolcom official na mabigat na parusa ang nag-aantay sa mga lalabag sa elections laws, civil service rules, mga polisiya ng Napolcom at PNP at iba pang administrative guidelines.
Aniya, bagama’t may karapatan para sa malayang pagpapahayag ang mga kapulisan gaya ng isinasaad sa Konstitusyon, ang mga karapatang ito ay limitado dahil sa kanilang obligasyon na manatiling ‘neutral’ at umiwas sa mga gawaing makakasira sa tiwala at pananaw ng publiko sa kanilang ‘impartiality’ o hindi pagpanig kaninuman.
Tiniyak naman ng PNP na lilitisin nang may ‘transparency’ at alinsunod sa ‘due process’ ang kaso ng nasabing pulis na nanghihikayat ng pag-aaklas sa gobyerno, matapos maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Randulf Tuaño, nakasalalay rito ang integridad at pagiging neutral ng PNP.
Matatandaang si Patrolman Fontillas ay nag-trending makaraang mag-live sa kanyang Facebook account na nanghihikayat sa kapwa nito mga pulis na mag-alsa sa pamahalaan at tumutol sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
Paglilinaw naman ni PNP Chief PGen. Rommel Marbil na ang social media ay hindi isang plataporma para sa personal o pampolitikang agenda.