KINUMPIRMA kahapon ni Philippine National Police chief PGen. Rommel Marbil na posibleng umabot hanggang sa Police Regional Director level ang isinasagawa nilang imbestigasyon hinggil sa pamamayagpag ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ayon kay General Marbil posibleng iimbestigahan nila ang regional director ng Central Luzon Police dahil sa command responsibility .
Ito’y matapos na magkasunod na madiskubre ang iligal na POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Ayon kay Marbil, aalamin nila kung paano sumulpot ang naturang mga scam farm at bakit naging kampante ang mga police. Kwestyonable umano ang kakulangan o hindi pagiging episyente ng mga pulis sa kanilang imbestigasyon.
Ibinigay na halimbawa ng heneral ang mga insidente ng ‘found dead bodies’ na iniuugnay sa POGO operation na hindi episyenteng iniimbestigahan ng mga pulis na nakakasakop.
Una nang inalis sa pwesto ang halos lahat ng mga pulis sa Bamban Municipal Police Station sa Tarlac habang inalis din sa pwesto ang hepe ng Pampanga Police Provincial Office.
Ani Marbil, ayaw niya sabihing may protektor na pulis sa iligal na POGO pero nais niyang malaman kung bakit may mga krimen na hindi naire-report sa hurisdiksyon ng mga hepe tulad na lang ng mga ‘found dead bodies.”