IPINAG-UTOS ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines, partikular na ng Philippine Army, ang imbestigasyon sa naganap na vehicular accident na kinasasangkutan ng isang KM 450 military truck na ikinamatay ng walong sundalo at ikinasugat ng anim na iba pa sa Uson Masbate.
Agad na nagpahatid ng pakikiramay si AFP chief of Staff General Bartolome VO Bacarro sa pamilya ng walong sundalong nasawi sa road mishap.
Kasabay ng pagtiyak na ibibigay ng AFP ang kinakailangang suporta sa mga dependents para malagpasan ang nararanasang paghihirap ganun din sa medical needs ang anim na sugatang sundalo isa rito ang nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang ginagamot sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital.
Kamakalawa ng gabi ay inihayag ni MGen Alex Luna, commander ng 9th Infantry Division, na mula sa anim na inulat na nasawi ay naging walo ito nang tuluyang malagutan ng hininga ang dalawa pa sa mga sugatan kamakalawa ng hapon.
Ayon sa Philippine Army, pinasimulan na rin nila ang masusing imbestigasyon sa naganap na pagsalpok ng kanilang military truck na may lulan na 14 na sundalo sa nakaparadang cement mixer truck na ikinamatay ng walo at ikinasugat ng anim na iba pa.
Ayon kay Army spokesman Col Xerxes Trinidad, nagdadalamhati ngayon ang pamunuan ng Philippine Army kasunod ng pagkamatay ng walong sundalo ng 2nd Infantry ‘Second to none’ Infantry Battalion sa Barangay Buenasuerte,Uson, Masbate.
Sinabi ni Trinidad na may dalang mga supplies at patungo ang mga ito sa kanilang temporary patrol base sa Barangay Paguihaman subalit nangyari ang hindi inaasahang aksidente kung saan bumangga ang truck sa isang nakaparadang cement truck mixer.
Batay sa inisyal na report, sumabog ang rear left tire o gulong ng truck na siyang naging sanhi na nawalan ng kontrol ang sasakyan, habang ang limang iba pa na sugatan ay kasalukuyang ginagamot sa Masbate Provincial Hospital.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Phil. Army Chief Commanding General Lt.Gen. Romeo Brawner sa pamilya ng walong sundalo.
Siniguro naman ni Brawner ang karapamtang tulong sa mga nasawi at maging sa mga sugatang sundalo. (VICTOR BALDEMOR)














