AGAD na ipinag- utos ng pamunuan ng Philippine Navy na imbestigahan ang naging sanhi ng pagbagsak ng kanilang Robinson R22 trainer helicopter sa Cavite City na ikinasawi ng dalawang Navy officer trainee pilot kahapon ng umaga.
Ayon kay Capt. JP Alcos ng Philippine Navy, Naval Public Affairs Office, masusi nilang iimbestigahan ang insidente.
Una nang tiniyak ng Navy na regular ang inspeksyon at maintenance ng kanilang mga helicopter para sa airworthiness ng mga ito kabilang ang kanilang pinakahuling unit ng Robinson R22 na inulat na nagsagawa ng emergency landing malapit sa isang palengke sa Cavite City.
Sa paunang impormasyon, galing sa Sangley Airport sa Cavite ang naturang helicopter at nagsasagawa noon ng training flight lulan ang dalawang piloto nang mangyari ang trahedya.
Sinasabing nakapagsagawa pa ng emergency procedures ang piloto ng helicopter pero tuluyang pa ring bumagsak ang chopper.
Nagawa pang maisugod sa ospital ang dalawang piloto ng nga sumaklolo nang masaksihan nila ang pagbagsak nito sa Draga Reclamation Area Barangay 57 subalit idineklarang dead on arrival ng mga doktor sa Cavite Medical Center habang ang co-pilot ay namatay habang ginagamot sa Bautista Hospital.
Sa ngayon, hawak na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakakilanlan ng 2 nasawing piloto ng Philippine Navy pero kanila munang ipapaalam sa pamilya ang trahedya bago isapubliko ang pangalan ng mga ito.