Ni Itchie G. Cabayan
Kaugnay ng nalalapit na Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9, 2026 ay nanawagan ang pamunuan ng Quiapo Church sa mga kabataan na imbes na ipakita ang debosyon sa pamamagitan ng pagpipilit na akyatin ang andas ng Nazareno ay daanin ito sa pagdalo sa banal na misa at panalangin.
Ayon kay Quiapo Church Rector Reverend Father Ramon Jade Licuanan, ang pinakamataas na pagpapakita ng isang deboto ng kanyang pananampalataya ay sa pamamagitan ng pagdarasal at pagdinig ng misa, bagamat kinikilala din ng Simbahang Katoliko ang ginagawa ng mga kabataang deboto na sumasali sa napakahabang oras ng ‘Traslacion’.
Ani Licuanan, “Hindi mo pwedeng ikumpara ang sampung oras mong prusisyon sa isang oras [na dasal]. Kahit 24 oras kang mag-prusisyon, magpagulong-gulong ka doon, di mo kayang tapatan ang isang oras o 45 minutes na Misa. We recognize na some Catholics,nakakaramdam sila ng little consolation pag nakakahawak sila [sa Poon]… Kanya-kanya naman tayo, ‘di natin maaalis ‘’yun… Kaya nga may mga hijos na nandoon sa tagiliran ng andas.”
Hinihikayat naman ni Quiapo Church technical adviser Alex Irasga ang mga kabataang deboto na nagbabalak lumahok sa ‘Traslacion’ na iwagayway na lamang ang kanilang mga dalang bimpo o humawak na lamang sa lubid sa halip na umakyat pa sa andas.
“’Wag na muna natin isalang [sila] sa isasalya sa likuran. Katawan sa katawan po ‘yang sinasalya natin. ‘Wag na muna natin sila turuang sumampa. Hayaan na muna nating masanay ang kanilang katawang-lupa sa pisikal na kahirapan ng pag-pruprusisyon. Hindi niyo kailangang makipag-kumpetensya sa walong milyon. Only one day lang ‘yan nawawala. Why don’t you come here on an ordinary day? Inyong-inyo ang Nazareno, yakapin niyo ‘yan kung gusto ninyo. Walang pipigil sa inyo. You can always come here, you’re always welcome,” ayon pa kay Irasga.
Inihayag din ni Irasga na magpapatupad ng mga pagbabago sa Traslacion sa Biyernes, kung saan iiklian ang krus ng Itim na Nazareno upang maiwasan na paglambitinan ito ng mga deboto.
Ang disenyo ng Andas ay may apat na gulong na katulad ng isang owner-type jeepney na walang makina at mayroon na din itong manibela.
“The case carrying the Jesus Nazareno will have perforated metal plates to help regulate temperature and prevent moisture build-up inside the glass case.Layunin po natin rito ay proteksyunan ang ating imahen at ‘wag maapektuhan ang katawan ng Mahal na Señor,”dagdag pa ni Irasga.
Dalawang pares umano ng lubid ang ipapahatak sa mga deboto para kung sakaling maputol ito ay madaling mapapalitan.














