PORMAL nang nailagay ang imahe ng ‘Homeless Jesus’ sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila, nitong Linggo ng Palaspas, na hudyat ng pagsisimula na ng Semana Santa.
Mismong si Manila Archbishop Jose Advincula ang nagbasbas sa life-size na imahe ng Homeless Jesus, na gawa ng eskultor na si Timothy P. Schmalz.
Pinangunahan rin naman ng Cardinal ang isang banal na misa para sa Linggo de Ramos, na kasabay rin nang ‘Alay Kapwa Sunday,’ kung kailan nagsasagawa ang simbahan ng special collections para sa charitable programs ng simbahan para sa mga mahihirap.
Sa kanyang homilya, ipinaalala ni Advincula na ang imahe ng ‘Homeless Jesus’ ay nangungusap sa atin at sumisigaw sa atin, na marinig ang tinig ni Hesus at makita siya sa mga kapatid nating walang lugar sa ating lipunan at walang lugar sa ating puso.
Ang Homeless Jesus ay nagpapakita kay Hesus na nakabalot sa kumot, kung saan ang makikita lamang ay ang kanyang mga paa, na may sugat na simbolo nang pagkakapako sa kanya sa krus.
Nabatid na nasa Toronto si Schmalz, may 11 taon na ang nakalilipas, kung saan niya nakita ang isang lalaking walang tahanan, at siyang naging inspirasyon niya upang gawin ang proyekto.
Umaasa naman ang cathedral na ang naturang imahe ay magsisilbing inspirasyon at talakayan kung paano natin mapapangalagaan ang mahihirap at walang mga tahanan sa komunidad.
“May this statue not only become a place for visits or pictures, but a space to deepen our prayer, and to convert and change our hearts,” anito pa.
Ang iba pang replica ng imahe ay matatagpuan sa Buenos Aires, Capernaum, New York, Madrid, Melbourne, Rome at Singapore. (Jaymel Manuel)














