Latest News

ILIs AT DENGUE CASES, BUMABA, AYON SA DOH

By: Philip Reyes

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ito ng pagbaba sa bilang ng mga bagong kaso ng influenza-like illnesses (ILIs) o mala-trangkasong sakit at dengue sa bansa.

Ayon sa inilabas na datos ng DOH, hanggang Enero 18, 2025 ay umaabot na sa 5,789 ang ILIs na naitala ng kagawaran, mas mababa ng 54% kumpara sa 12,620 kaso na naitala nila sa kahalintulad na petsa noong 2024.

Mas mababa rin umano ng 96% ang mga nasawi sa sakit na nasa isa lamang, kumpara sa 26 noong nakaraang taon.


Ayon sa DOH, ang ‘top six causative agents’ na naitala mula Enero 1-18, 2025 ay ang Influenza A, Influenza B, Rhinovirus, Enterovirus, Respiratory Syncytial Virus at Adenovirus.

Samantala, anang DOH, nasa 10,842 kaso na ng dengue ang kanilang naitala hanggang Enero 18, 2025 lamang. Ito ay 8% na mas mababa kumpara sa 11,781 kaso sa kahalintulad na petsa noong 2024.


Nakapagtala rin umano ang DOH ng 21 pasyenteng nasawi dahil sa dengue na 50% at mas mababa kumpara sa 42 na naitala noong nakaraang taon.

Nilinaw naman ng DOH na maaari pang mabago ang naturang bilang bunsod ng late reporting.


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read