MAHIGPIT na minu-monitor ng Department of Health (DOH) ang ilang lugar sa National Capital Region (NCR) na nakitaan nila nang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang Pateros ay nakitaan nila ng positive growth rate habang nasa full capacity naman ang intensive care unit (ICU) ng Malabon,
“Pero nung pinag-aralan naman natin, tatatlo lang ‘yung ICU beds nila [sa Malabon] at ngayon, puno po na tatlo ang kanilang ICU beds,” ani Vergeire, sa panayam sa radyo nitong Lunes.
Maging ang Navotas, na mayroon lang aniyang 46 beds sa COVID wards, ay nakitaan rin nang pagtaas ng mga bagong kaso.
Paglilinaw naman ni Vergeire, hindi pa ‘significant’ ang pagtaas ng mga bagong impeksiyon ngunit binabantayan pa rin aniya nila itong mabuti.
“Binabantayan po naming maigi. Sa tingin po namin, hindi pa naman ito significant because ‘yung mga na-a-admit din is really going there not because of COVID but because they have other illnesses tapos ‘pag tinest, nagco-COVID-positive sila,” paliwanag pa niya.
“Tinitignan ho natin, closely monitoring tayo sa mga areas na ‘to. We are not seeing significant increases as of this time. Most specifically, mas importante po doon sa mga pagtaas sa mga kaso na nakikita natin na bahagya, ay hindi natin nakikita na napupuno ang mga ospital,” aniya pa.
Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III noong nakaraang linggo na may 14 na lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 ang nakitaan nang pagtaas ng COVID-19 cases.
Sinabi naman ni Vergeire na ilan sa posibleng dahilan nito ay ang nabawasang pagtalima sa minimum public health standards, pagdagsa ng mga tao sa election campaign sorties, at maging ang mga nakalipas na pagtitipon noong nakalipas na Mahal na Araw. (Jantzen Tan)