By: JANTZEN ALVIN
Ilang programang nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang in-exempt ng Commission on Elections (Comelec) mula sa spending ban para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon sa isang resolusyong inilabas nitong Lunes, inaprubahan ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang rekomendasyon ng kanilang law department na bigyan ng exemption mula sa Sections 261 (v) (2) ng Omnibus Election Code (OEC) ang ilang programa ng DOLE, alinsunod na rin sa kahilingan nito.
Kabilang dito ang Special Program for Employment of Students (SPES) na nagkakahalaga ng P828,940,000; Government lnternship Program (GIP) na nagkakahalaga ng P807,716,000; JobStart Philippines Program (JSP) na nagkakahalaga ng P155,270,000; at Adjustment Measures Program (AMP) na nagkakahalaga ng P218,722,000.
Exempted rin umano ang Workers Organization Development Program (WODP) na nagkakahalaga ng P35,874,000; DOLE Integrated Livelihood and Emergency Program (DILEEP) na nagkakahalaga ng P2,242,967; Financial Assistance Program to Distressed Migratory Sugarcane Workers (MSWs) na nagkakahalaga ng P1,960,000; Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP) na nagkakahalaga ng P85,262,000 at EnTSUPERneur Program na nagkakahalaga ng P100,000,000.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11060, kinakailangan ng ‘certificate of exemption’ upang maipatupad ang mga aktibidad at programa sa social welfare projects at services sa panahon ng halalan.
Una na rin namang kinumpirma ng Comelec na binigyan nila ng Certificate of Exemption ang nasa 48 infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa midterm polls.
Ang public spending ban ay epektibo na mula sa Marso 28 hanggang May 11, 2025.














