PINAHINTULUTAN ng Commission on Elections (Comelec) ang tanggapan ni Vice President Leni Robredo para ipagpatuloy ang kanilang mga COVID-19 programs kahit pa panahon na ng kampanyahan para sa May 9 national and local elections.
Ayon kay Comelec Commissioner George Erwin Garcia, binibigyan ng exemption ng Comelec en banc ang ilang pandemic projects ng Office of the Vice President (OVP) sa panahon ng campaign period.
“In an executive session today (Miyerkules), the En Banc granted the Petition for Exception of the Office of the Vice President of certain projects and programs during the 45-day period of the campaign,” ani Garcia.
May ilang petitions for exception rin aniya ang kanilang hindi pinagbigyan habang ang iba ay partially granted lamang.
Matatandaang una nang itinigil ng OVP ang kanilang mga programa kabilang ang mobile coronavirus testing, vaccination drive, at libreng online medical consultation nang umarangkada ang campaign period para sa national candidates noong Pebrero 8.
Gayunman, naghain si Robredo, na kumakandidato sa pagka-pangulo sa halalan, ng petisyon sa Comelec upang mapahintulutan silang ipagpatuloy ang mga naturang programa ngayong nananatili pa rin ang pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Tiniyak naman niya na kahit tuloy ang programa ay hindi na siya magpapakita sa mga ito at papalitan rin aniya nila ang hitsura ng lahat ng paraphernalia na kanilang gagamitin para dito.
Sinabi naman ni Garcia na ang naturang en banc resolution ay ilalabas ng Comelec ngayong araw.
“Details to follow this afternoon. Resolutions are expected to be released today,” aniya pa. (ANDOY RAPSING)