HAWAK na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang inmate na ikalimang “person on interest” sa pagpaslang sa broadkaster na si Percy Lapid, ayon kay Department of Justice spokesperson Asec. Mico Clavano.
Nakatakdang magbigay ng kaniyang pahayag ang naturang inmate nitong Biyernes ukol sa mga nalalaman niya sa pagpatay kay Lapid o Percival Mabasa sa totoong buhay.
“Last night, at around midnight, there was a transfer from the Intelligence Service of the AFP detention facility. There was 1 inmate there who was transferred to the NBI custody as well,” saad ni Clavano.
Tumanggi si Clavano na kilalanin ang inmate pero kinumpirma niya na ito rin ang parehong tao na tinukoy ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na isa sa “person of interest” sa krimen.
Una nang nagsagawa ng “joint investigation” ang NBI at PNP sa apat na naunang persons of interest na mga inmates ng Bureau of Corrections. Nakapagbigay na umano sila ng kanilang mga pahayag makaraang isailalim sa pagtatanong.
“We formalized the extrajudicial affidavits already,” saad ni Clavano.
Una nang sinabi ni Remulla na tinitingnan nila ang ang anggulong “murder” sa pagkamatay ni Crisanto/Jun Villamor, ang umano’y middleman sa krimen. Base ito sa mga pangyayari sa biglaang pagkamatay niya at ang ibinigay na “dying declaration” sa kaniyang kapatid na si alyas Marisa na hawak na nasa ilalim ng Witness Protection Program ng DOJ. (Carl Angelo)