By: JANTZEN ALVIN
Tinupok ng apoy ang ikaapat na palapag ng Pasig City Hall nitong Huwebes, na nagresulta sa pagsuspinde sa operasyon nito.
Batay sa ulat ng Pasig Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-9:18 ng umaga nang sumiklab ang apoy.
Naitaas ito ng unang alarma at kaagad rin namang naapula dakong alas-9:26 ng umaga.
Ayon naman sa Pasig City Public Information Office (PIO), dahil sa sunog ay kaagad nilang inilikas ang mga empleyado ng city hall at mga bisita doon.
Wala naman umanong nasugatan o nasaktan sa sunog.
Anito pa, bagamat kaagad na naapula ang apoy ay sinuspinde na rin ang operasyon at trabaho ng mga empleyado dakong alas-10:00 ng umaga dahil patuloy pa rin ang pag-usok sa gusali.
“Nagkaroon po ng insidente ng sunog sa Pasig City Hall, tinatayang 09:18AM (First Alarm) kaya pansamantalang nag-evacuate ang mga empleyado at mga bisita ng City Hall. Sa kasalukuyan ay naideklara nang FIRE OUT ng Bureau of Fire Protection, 09:26AM. Wala ring reported na nasaktan kaugnay ng insidente. Pansamantala po munang nakatigil ang mga transaksyon sa City Hall,” anang Pasig PIO.
“Bagamat napatay na ang sunog sa Pasig City Hall ay nananatiling may usok pa rin sa gusali. Kaugnay nito, SUSPENDED na ang operations ng City Hall simula 10:00AM November 23, 2023,” anang Pasig PIO. “Ang mga non-essential personnel ay pinayuhan nang umuwi, at ang mga essential personnel para sa pag-manage ng insidente na lamang ang required na manatili sa City Hall.”