PORMAL nang binuksan ni Mayor Honey Lacuna ang ika-limang super health center na itinayo sa panahon ng kanyang administrasyon para mapagsilbihan ang mga pangangailangang medikal ng mga taga-Maynila. Ang unang apat na super health centers na kanyang binuksan ay ang Aurora Health Center sa District 1; Tayabas Health Center, District 2; San Sebastian Health Center, District 3 at Pedro Gil Health Center, District 5, habang dalawa pa ang kasalukuyang ginagawa na.
Ipinagmalaki ni Lacuna na ang lahat ng super health centers na kanyang ipinatayo ay pawang may mga pasilidad kung saan ang mga ito ay maaring mag-function bilang mga ‘mini- hospitals’ para mas mapaigting ang serbisyo medikal para sa mga residente sa lugar kung saan itinayo ang mga ito.
Ayon kay Lacuna, ang Lanuza Health Center na nasa District ay mayroong surgical room, vaccine ref , walk-in chiller at iba pa.
Sa nasabing inagurasyon ng Lanuza Health Center,, ang alkalde ay sinamahan nina Vice Mayor Yul Servo, Congressman Joel Chua, City Councilors Fa Fugoso at Maile Atienza, Manila Chinatown Barangay Organization head Jeff Lau, Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, Lanuza Health Center physician-in-charge Dr. Elmer Ulanday at barangay officials. Ipinagmamalaki ni Lacuna na ang naturang health centers ay tunay na pakikinabangan ng mga residente para sa iba’t-ibang serbisyo medikal.
“Sa pagpasok pa lang ninyo ay mayroon ditong magandang reception lobby at nilagyan na rin ng lift para sa ating mga PWDs sa kanilang pag-akyat sa ikalawang palapag. Doon naman sa itaas ay mayroon pa ring reception lobby, nandun ang pharmacy, ang records room, mayroon ding surgical room, sterilization room, treatment room, dental room, extraction room, supply room at mga storage rooms. Mayroon na ring lugar para sa laboratory at mga medical clinics,” ayon kay Lacuna.
Ani Lacuna, ang pagtatayo ng mga super health centers ay bahagi ng pagpapalakas sa pagsisikap ng lokal na pamahalaan na higit pang palakasin ang mga city’s health centers sa pagkakaloob ng epektibong ‘primary health care’ o pangunahing pangangalang pangkalusugan para sa mga residente ng Maynila.
“Dahil po sa ang inyong lingkod ay isang doktor, prayoridad ng ating administrasyon ang pangangalaga sa kalusugan ng ating mga kapwa Manilenyo. Minabuti nating mabigyan ang lahat ng health centers ng basic laboratory units upang yung mga simpleng blood tests ay maisagawa na sa health center pa lang at di na ninyo kakailanganing pumila pa sa mga ospital,” pahayag pa ni Lacuna .
Bilang pagtalima sa Universal Health Care, sinabi ni Lacuna na ang health centers ay nagbibigay din ng tulong sa mga nais na magpa- register sa Philhealth at matapos niyan ay tatanggap din umano ng mga libreng maintenance medicines mula sa centers ang mga registered patients.
Binigyang-diin ni Lacuna na ‘prevention is always better than cure’ at sa pamamagitan ng health centers, ang mga residente ay makasisiguro na ang kanilang kalusugan ay mababantayan at mapapangalagaan habang iniiwasan ang paglaganap ng sakit, dahil may mga nakahandang bakuna kapwa para sa mga sanggol at lolo’t lola.
“Kaya huwag sana kayong magdalawang-isip na bumisita sa inyong health center upang makapag-avail na ating primary health care services. Libre po lahat ng serbisyo ng ating Manila Health Department. Ito ang alay namin sa inyo, ang tapat at totoong serbisyo na may mataas na kalidad para sa bawat Manilenyo,” dagdag pa ni Lacuna.