Pinangunahan kahapon nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at Interior and Local Government Secretary Atty. Benhur Abalos ang paggunita sa ika-9 na anibersaryo ng ‘Mamasapano massacre’ o kabayanihan ng 44 miyembro ng PNP Special Action Force commandos sa Camp Castañeda, Silang Cavite.
Siyam na taon na ang nakalipas ay nananatiling mailap pa rin ang hustisya para mga kasapi ng SAF 44 na sinasabing isinakripisyo para lamang madakip si Malaysian terrorist Zulkifli Abdhir alias Marwan at Filipino terrorist, Abdul Basit Usman..
“The defiant stand of the Brave 44 still echoes today. It is a clarion call for unity and action against any challenge we might face,” pahayag ni Pangulong Marcos sa ginanap na SAF 44 National Day of Remembrance ceremony at Camp General Mariano Castañeda.
Ayon kay PBBM, alam niya na hanggang ngayon ay nagluluksa pa rin ang pamilya ng SAF 44 na patuloy na umaasam ng katarungan kaya’t hangad nitong makabawas sa kanilang nararamdaman ang pakikiramay ng buong bansa.
Sa kanyang talumpati, hinimok ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na huwag ibaon sa limot ang kabayanihan at sakripisyo ng Special Action Force (SAF) 44 para sa bansa.
Ang pagbuwis aniya ng buhay ng mga ito ay isang utang na hindi kayang bayaran ng bansa kahit pa sa mahabang panahon, kung kaya’t huwag sanang pababayaan ang kapayapaan na ipinaglaban ng mga ito.
Ginagawa ang Day of National Remembrance para SAF 44, tuwing January 25 taun-taon, mula nang iproklama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 164.
Matatandaang nasawi ang 44 SAF troopers sa inilunsad na as “Oplan Exodus” sa bayan ng Tukanalipao Mamasapano, Maguindanao target ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman na kapwa may multi million peso reward at itinuturing na mga international terrorist .
“Never Again. The current administration would ensure that there would be no repeat of such an incident as the government zeroes in on improving the capabilities of the PNP,” pagtitiyak naman ni Pangulong Marcos at SILG Abalos.
“As we remember today the tragedy that befell the brave SAF44, we also learn and reflect on the missteps of this unfortunate incident. We owe it to these heroes and their families to prevent another Mamasapano tragedy from happening again,” ani Abalos.
Dismayado din si dating SAF Director Getulio Napeñas dahil hindi pa rin nakakamit ang hustisya para sa tinaguriang SAF 44, makalipas ang 9 na taon.
Ayon kay Napeñas, hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin nakakasuhan ang mga taong direktang sangkot sa pagpatay sa SAF 44 na nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan.














