Latest News

Nagpulong sina Mayor Honey Lacuna at MPD Director Benigno Guzman matapos ang pamamaslang kay Bacud.

HUSTISYA SA PINASLANG NA ABP PARTY-LIST NOMINEE, IPINANGAKO NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na gagawin ng pamahalaang-lungsod ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang pinaslang na si Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) party-list nominee Leninsky Bacud.

Mariing kinondena ni Lacuna ang nasabing pagpaslang kay Bacud, dating chairman ng Barangay 435, Zone 44 sa Sampaloc at Second Nominee ng ABP Party-list kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ng biktima.

“My deepest condolences go to Chairman Bacud’s grieving family. The City of Manila stands with those who have served our people. I assure the Bacud family and all Manileños that we will do everything in our power to bring all those responsible to justice. They will answer for the violent death of Leninsky Bacud. Hindi natin papayagang mamayani ang takot at karahasan sa ating lungsod. Maninindigan tayo para sa katarungan at kaayusan sa Lungsod ng Maynila,” mensahe ni Lacuna.


Kaugnay niyan ay inatasan rin ng alkalde si Manila Police District (MPD) Director PBGen Benigno Guzman na gamitin ang lahat ng kanilang available resources para masigurong mareresolba ang kaso at mapapanagot ang mga taong nasa likod nito sa lalong madaling panahon.

Hiniling rin niya sa MPD na tiyakin ang kaligtasan ng pamilya ni Bacud at ng mga posibleng testigo sa krimen habang isinasagawa ang imbestigasyon.


“Violence must have no place in a civil society. This assassination does not represent who Manileños are, nor does it define the City of Manila,” ani Lacuna.

Nag-atas din si Lacuna kay DILG Manila City Director John Visca at Manila Peace and Order Council na agarang magpalabas ng memorandum sa lahat ng barangay para sa mahigpit na pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa lungsod, partikular na ngayong nalalapit na ang halalan.


Aniya, dapat na tiyakin ng mga barangay officials na ang lahat ng CCTV sa barangay, response equipment at communication devices ay fully-operational at binabantayan ng mga trained personnel sa loob ng 24 oras.

Nais rin ng alkalde na higit pang paigtingin ng mga barangay officials ang regular na pagpapatrulya at visibility ng mga tanod at peacekeeping teams, partikular na sa mga lugar na natukoy bilang election hotspots; mag-convene ng emergency meetings sa barangay officials upang repasuhin at palakasin ang community alert systems, gayundin ang preventive measures laban sa karahasan at masusing makipag-ugnayan sa MPD at iba pang law enforcement agencies upang ma-monitor at kaagad na makarespinde sa anumang banta o insidente na maaaring magkompromiso sa kaligtasan ng publiko.

Samantala, nanawagan si Lacuna sa mga Manilenyo na manatiling alerto at kaagad na isumbong ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.

“Let us show that Manila stands united against violence and will always uphold peace, justice and the rule of law,” aniya.

Kaugnay nito ay bumuo na ang MPD ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa imbestigasyon sa pagpaslang kay Bacud na naganap bago mag-alas 6 ng gabi sa P. Guevarra St. kanto ng Sta. Teresita St. sa Sampaloc.

Lumilitaw na bago ang krimen ay kararating lamang ng biktima sa lugar nang bigla na lang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa iba’t- ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa ulat, isang pulis na kapitbahay ng biktima ang nakaresponde sa krimen at pinagbabaril ang mga suspek ngunit nakatakas pa rin ang mga ito.

Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang mga taong may kagagawan ng krimen, gayundin ang motibo nila sa pamamaslang kay Bacud.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read