TINIYAK ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na tuloy-tuloy ang ginagawang paghahabol ng Marcos Administration sa hustisya para sa 58 biktima ng Ampatuan, Maguindanao massacre kung saan 32 rito ay kasapi ng media.
Ito ay ayon kay PTFoMS Executive Director Jose Torres, Jr., sa ika-15 anibersaryo ng pagpatay at pag-atake laban sa mga mamamahayag sa bansa na inuugnay sa away ng dalawang makapangyarihang angkan sa Maguindanao.
Aniya, patuloy na sinusuportahan ng administrasyong Marcos ang mga mamahayag sa pagtatanggol sa katotohanan at pagtugon sa mga karaingan at pangangailangan ng isang ‘modern press’.
Magugunitang 15 taon ang nakalipas ay naitala sa buong mundo ang ‘single deadliest attack’ sa hanay ng mga mamamahayag nang tambangan at patayin ang may 58 katao na kinabibilangan ng 32 mamahayag na sumama lamang sa paghahain ng certificate of candidacy ng ginang ni Esmael Mangudadatu na mortal na kaaway sa pulitika ng Ampatuan clan.
Sa mga pinaslang, anim dito ang sinasabing ginahasa muna bago pinatay at apat dito ay miyembro ng media na pinagbabaril pa umano sa ari.
Inalala ng PTFoMS ang mga biktima ng Maguindanao Massacre na ang kanilang sakripisyo ay hindi malilimutan.
“We will continue to work tirelessly to ensure that justice prevails, and that the Philippines remains a safe place for journalists to work,” sabi ng PTFoMS.
Ang task force ay nagpahayag ng apat na pangako sa ika-15 anibersaryo ng Maguindanao massacre: palakasin ang mga pagsisikap na pigilan at tugunan ang mga pagpatay at karahasan sa media; pahusayin ang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at mga organisasyon ng media, lalo na sa lokal na antas; isulong ang kultura ng kaligtasan at paggalang sa kalayaan sa pamamahayag at tiyakin na makakamit ang hustisya ng lahat ng biktima ng pag-atake laban sa mga media workers.
Nananawagan din ang task force sa lahat ng sektor ng lipunan na makiisa sa pagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag at pagbigay proteksyon sa mga karapatan ng mga mamamahayag.














