HUSTISYA PARA KAY QUE, HILING NG PCCI, FFCCCII AT PHILEXPORT

By: Baby Cuevas

Hustisya ang sigaw ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) at Philippine Exporters Confederation (PhilExport) sa pagdukot at pagpatay sa Filipino-Chinese businessman na si Anson Tan, na kilala rin sa pangalang Anson Que at sa driver nitong si Armanie Pabillo.

Sa inilabas na joint statement ng PCCI, FFCCCI at PhilExport, hindi lamang umano isang ordinaryong krimen ang nangyaring ‘kidnap- slay’ kay Que kundi isa itong dagok at malaking insulto sa peace and order ng bansa. Maituturing din umano itong hamon sa kakayahan ng Philippine National Police (PNP) na sugpuin ang mga heinous crimes.

Hangad umano ng mga negosyante na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Que na isang steel magnate at kilalang philanthropist na may malasakit sa kapwa. Isang responsableng ama at tauhan naman si Pabillo.


Dekada na umanong nagnenegosyo si Que na kilala sa Filipino-Chinese community.

“These acts are not merely crimes; they are an assault on the soul of our nation, a grotesque violation of humanity itself, and a declaration of war against the principles of justice, decency, and peace that bind us as a society,” saad sa joint statement.


Nangyari ang pagdukot kina Que habang kumakain sa isang kilalang restaurant sa Metro Manila at bangkay na nang matagpuan ang mga ito sa Rodriguez, Rizal.

Hiling ng mga negosyante sa PNP na agad papanagutin ang nasa likod ng kidnap-slay kay Que dahil may malaking epekto umano ang peace and order sa mga nais na mamuhunan sa bansa, gayundin sa turismo.


Dapat na ipakita umano ng pamahalaan at PNP na ligtas pa rin ang bawat indibiduwal sa bansa.

Tags: Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)

You May Also Like

Most Read