Personal na ipinaabot ni PCOL Ledon D Monte ang taos-pusong pakikiramay ng buong hanay ng Quezon Police Provincial Office (PPO) sa naiwang pamilya ni Barangay Captain Benedicto Alcaide Robo ng Brgy. Guis-Guis San Roque, Sariaya, Quezon.
Si Kapitan Robo ay namatay matapos siyang pagbabarilin ng suspek na si Marvin Fajarda Flores na dagliang tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa imbestigasyon ng Sariaya Municipal Police Station, sinaway di umano ni Kapitan Robo ang suspek dahil sa naging asal nito dahil sa impluwensiya ng alak.
Nauwi naman sa mainit na pagtatalo ang nasabing pananaway ngunit upang hindi na lumaki pa ang komosyon ay umiwas na lamang si kapitan ngunit sinundan pa rin sya ng suspek na nauwi sa nasabing pamamaril.
Bagamat nadala pa sa pagamutan si kapitan ay namatay naman ito habang ginagamot ng kanyang mga doktor sa isang ospital sa lungsod ng Lucena.
“Nalulungkot tayo dahil sa pagganap ni Kapitan Robo sa kanyang tungkulin ay nauwi ito sa kanyang pagpanaw. Kaya naman hindi tayo titigil para makamit ni Kapitan ang hustisya na nararapat para sa kanya, kanyang pamilya at lalong lalo na para sa mga kabarangay na pinagsisilbihan ni kapitan,” ani PCOL Monte.
Bukod naman sa tuloy-tuloy na paggalugad ng binuong tracker team ng Quezon PPO ay nag-alok na rin ng Php 200,000.00 na pabuya ang Pamahalaang Bayan ng Sariaya at Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon para sa kung sino mang makakatulong para matukoy ang kinaroroonan ng suspek.