ITO ang ginawang pagtiyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) .
Ito ay matapos na mahuli kahapon ng PNP Anti-Kidnapping Group ang suspek sa pagdukot sa 43 Chinese nationals na umano’y biktima ng human trafficking.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, matutunton din nila ang mga dayuhang suspek na nasa likod ng kidnapping at human trafficking saan a bumibiktima rin ng mga dayuhan sa bansa.
Tiwala si Abalos na mahuhuli nila ang iba pang kasabwat nang nahuling suspek na si Chen Yi Bien alyas Ayi, human resource officer ng Lucky South 99.
Inihayag din ng kalihim na tuloy-tuloy ang ginagawa nilang koordinasyon ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., sa mga opisyales ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI) kasama rin ang ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa layuning bumalangkas ng sistema susupil sa criminal activities ng ilang dayuhan na karamihan ay mga Chinese nationals.
Samantala inako naman PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief General Jonnel Estomo ang responsibilidad sa mga napapaulat na mga kaso ng pagdukot sa Metro Manila.
Sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa serye ng kidnapping cases sa maraming lugar sa bansa, sinabi ni Gen. Estomo na tinatanggap niya ang responsibilidad sa mga nangyayaring krimen partikular na ang mga kaso ng napaulat na pagdukot sa ilang siyudad sa National Capital Region (NCR).
Tiniyak din ng heneral ang publiko na hindi dapat mag-alala dahil pinaigting pa ng NCRPO ang police visibility upang tuluyang maalis na ang mga kaso ng pagdukot.
Subalit nilinaw din ng heneral na ang ilang videos na kumakalat sa social media ay ilang buwan nang nangyari at ilan din ay hindi kidnapping tulad ng robbery-holdup sa Skyway sa isang Malaysian National na nangyari kamakailan. (VICTOR BALDEMOR)














