AGAD na nagtatag ng isang special investigating task group ang PNP-Abra Provincial Police Office para tutukan ang kaso ng paglikida sa isang public interest lawyer sa Bangued, Abra
Target ng binuong Abra PPO-Special Investigation Task Group na kilalanin at alamin ang motibo ng riding- in- tandem assassin na bumaril kay Atty. Maria Sanita Liwliwa Gonzales Alzate.
Sa ulat ni PCol. Froiland Lopez, Provincial Director ng Abra Police, matapos ang kanilang case conference ay inutos ang tuloy- tuloy na pagsisiyasat para sa pagkakikilanlan ng dalawang suspek na bumaril sa abogada habang nasa loob ng kanyang puting Mitsubishi Mirage 4 na kotse na naka-himpil lang sa tapat ng kanilang bahay.
Maliban dito, nire-review na rin nila ang mga CCTV footage sa crime scene sa tapat mismo ng bahay ng biktima sa Bangued at ang mga posibleng ruta na tinahak ng mga hindi pa nakikilalang salarin.
Magugunitang Huwebes ng hapon nang isagawa ang pananambang kay Alzate na nasa loob ng puting Mitsubishi Mirage G4 sedan (AVA 6533) nang lapitan ng mga suspek at paulit-ulit na pinagbabaril.
Nagawa pang itakbo sa pinakamalapit na pagamutan ang abogada subalit nalagutan din agad ito ng hininga bago pa malapatan ng lunas.
“We mourn the passing of Atty. Ma. Saniata Liwliwa Gonzales-Alzate, a brilliant legal aid & public interest case lawyer,” wika ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Northern Luzon Region nitong Biyernes.
“She is a loss to the IBP where she served as a former president of her chapter & a CBD commissioner. We join her family in prayer & in seeking justice to her senseless killing,” dagdag pa nito.