Isang hukom ang pinatawan ng Korte Suprema ng parusang dismissal sa serbisyo matapos na mabuking ang panghihingi niya ng ‘lagay’ mula sa mga abogado, mga litigante at maging mga local elective officials, kapalit ng paborableng aksiyon, sa laptop na ipinagamit sa kanya ng hukuman.
Sa isang per curiam Decision, napatunayan ng Court En Banc na si Judge Edralin C. Reyes (Reyes), Presiding Judge ng Roxas City Regional Trial Court (RTC) Branch 43, sa Oriental Mindoro, ay guilty sa kasong Gross Misconduct at kaagad na ipinag-utos ang kanyang dismissal mula sa serbisyo.
Ipinag-utos rin ng hukuman ang pagbawi sa kanyang retirement at iba pang benepisyo, maliban sa mga accrued leave credits, gayundin ang kanyang perpetual disqualification mula sa re-employment sa anumang sangay o ahensiya ng hukuman, kabilang na ang government-owned or controlled corporations.
Bukod sa naturang parusa, inatasan rin ng hukuman si Reyes na magmulta ng P17,500 para sa Simple Misconduct, dahil sa kanyang kapabayaan na isuperbisa ang kanyang court staff at tiyakin ang tama at ligtas na record- at evidence-keeping system sa kanyang korte, na nagresulta sa pagkawala ng mga baril, exhibits, at mga piraso ng mga ebidensiya na nasa pag-iingat ng hukuman.
Nabatid na nag-ugat ang kaso noong Agosto, 2018, matapos na isang laptop ang ipagamit ng Mataas na Hukuman kay Reyes, na noon ay Acting Presiding Judge ng Branch 39, ng Roxas City RTC. Malaunan ang naturang laptop ay nalipat sa pangangalaga ni Judge Josephine C. Carranzo matapos itong maitalaga sa Branch 39.
Gayunman, noong Disyembre 2019, isinauli umano ni Judge Carranzo ang laptop sa Management Information Systems Office (MISO) sa Korte Suprema para ipa-repair o palitan.
Bilang standard procedure naman, sinuri ng MISO ang laptop at dito nadiskubre ang isang backup ng iPhone messages, kung saan natuklasan na si Reyes ay sangkot sa ilang corrupt practice.
Kaagad namang iniulat ng MISO ang natuklasan sa Office of the Court Administrator (OCA), na umupa ng forensic expert upang siyang mag-extract ng datos mula sa laptop, na nagresulta sa pagkarekober ng mga SMS/iMessage conversations, contact information, photos, videos, at mga iPhone notes.
Natuklasan rin ng OCA Investigating Team na si Reyes mismo ang gumagamit ng laptop at ang may-ari ng iPhone 6S Plus kung saan nagmula ang mga iMessages.
Nabatid na ginamit ni Reyes ang nasabing telepono upang makipag-komunikasyon at humingi ng lagay mula sa ilang abogado, pribadong indibidwal, kapalit ng paborableng aksiyon sa mga kaso ng mga ito na nakabinbin sa kanyang tanggapan.
Ilan umano sa mga nadiskubre ay ang pangungutang nito ng pera, panghihingi ng pabaon o pocket money para sa kanyang mga dinadaluhang seminar at training, paghiling na maging ‘dummy’ niya sa pagbili ng lupa, pagtanggap ng pera, sasakyan at baril sa mga private practitioners kapalit ng paborableng aksiyon.
Anang SC, “As a result, three judicial audit teams were organized to investigate Branches 39, 41, and 43 of the Oriental Mindoro RTC. The audit confirmed that Reyes demanded and asked for bribes in exchange for orders or resolutions granting bail or its reduction, decisions of acquittal, orders granting motion to travel abroad, and orders allowing plea to a lesser offense.”
Natuklasan rin sa audit na ang mga baril sa siyam na kaso na dinesisyunan ni Reyes at may kinalaman sa paglabag sa Republic Act No. 10591, o The Comprehensive Firearms and Ammunitions Act, ay hindi naisauli sa Philippine National Police at pinaniniwalaang naisauli sa mga abogadong nakausap niya.
Sa kanyang komento, ikinatwiran naman ni Reyes na ang pag-retrieve ng mga mensahe sa kanyang private mobile phone data mula sa laptop ay, “a brazen violation of his constitutional right to privacy of correspondence.”
Dagdag pa niya, ang mga naturang mensahe na narekober mula sa kanyang mobile phone ay pawang ‘fake, altered, tampered, at unreliable’ dahil si Judge Carranzo, na may galit umano sa kanya, ang siyang humawak nito, bago pa man ito nai-turn over sa MISO.
Hindi rin aniya maaaring gamitin ang mga mensahe na narekober mula sa laptop dahil nakuha ito sa kanyang absence at wala niyang permiso.
Sa pagtukoy sa administrative liability ni Reyes, iginiit naman ng hukuman, na ang isang government-issued computer, kahit na ito ay privately controlled, ay subject sa regulasyon at monitoring ng government employer.
Ipinasiya rin nito na ang mga pagpapalitan ng SMS/iMessage at ang mga natuklasan ng audit team ay hindi ‘excludable’ dahil walang paglabag sa right to privacy ni Reyes.
Binigyang-diin pa ng hukuman na ang mga laptop at computer na ipinagkakaloob sa mga hukom at court employees ay dapat na ginagamit para mapabilis ang court function sa pagdedesisyon sa mga kaso at hindi para sa anumang private purposes.
Sa kaso anila ni Reyes, ang SMS/iMessage correspondence ay nakaimbak sa subject laptop at hindi sa kanyang pribadong computer at hindi rin puwersahang kinuha mula sa kanya ang laptop.
“These circumstances convince this Court that Judge Reyes cannot successfully claim that the State unduly intruded into a personal matter,” anang hukuman.
Dagdag pa ng korte, dahil walang naganap na paglabag sa right to privacy ni Reyes, ang mga impormasyong nakuha sa pamamagitan ng judicial audit ay hindi maaaring ikonsidera bilang ‘fruit of the poisonous tree.’
“Further, even if the Court considered the MISO and OCA’s retrieval of the iPhone messages as violation of Judge Reyes’s right to privacy, this Court finds that the information obtained by the judicial audit team should be treated as an exception, as it is an inevitable discovery,” anito. “Indeed, an administrative investigation would have been conducted, and the judicial audit team would have found the incriminating information even without the SMS/iMessage exchanges from the laptop…Thus, in the natural course of events, the evidence and information contained in the judicial audit team report would have reached this Court.” pahayag pa ng korte.