Inihayag ni House of Representatives (HOR) spokesperson Atty. Princess Abante na wala umanong sisinuhin o sasantuhin na tao at isyu ang Congressional Infrastructure Committee (INFRACOM) sa oras na simulan na nito ang nakatakdang pagsisiyasat ukol sa mga kontrobersiyal na flood control projects.
Sa kanyang pagdalo sa “MACHRA Balitaan” ng Manila City Hall Reporters Association (MACHRA) na ginanap sa Harbor View Restaurant sa Maynila, sinabi ni Abante na ang layunin ng imbestigasyon ay hindi manisi ng mga tao kundi para humanap din ng solusyon sa problema.
Tiniyak ni Abante na aalamin ng INFRACOM ang mga proyekto at indibiduwal na kasama sa mga proyekto, mapa-executive o legislative man sila at gayundin ang mga ebidensiya sa mga sinasabing ma-anomalyang flood control project.
“Hindi puwede na basta lang mag-akusa, dapat may pruweba. Diyan papasok ang INFRACOM,”ani Abante.
Kapag napatunayan na ang isang Congressman ay sangkot sa isang kuwestiyonableng proyekto, bukas umano ang INFRACOM na lumikha ng isang independent body para mag- imbestiga, upang maiwasan na maging ‘biased’ sa mga isinsangkot at aniya, may mekanismo na susundin para matiyak na madidisplina ang mga kasangkot na miyembro.
“Lalo na if the LGUs, even the barangays, would approach legislators for such assistance in requesting for the projects. As Representatives, they (Congressmen) represent with the various departments. It is then up to the department if it will consider and include in the budget proposal. The DBM (Department of Budget and Management) consolidates the proposals at tsaka siya aakyat sa House of Representatives para himayin at tignan ang budget at i-approve ito,” dagdag ni Abante.
Binigyang-diin din ni Abante na ang implementasyon ng flood control programs, maging ang pagkuha ng permit sa mga proyekto, ay hindi na trabaho pa ng mga Congressman.
Aniya,ang trabaho ng Congressman ay alamin lamang ang mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan at saka mag-rekomenda sa mga departamento na siyang magpapatupad ng mga proyekto at sa kaso ng flood control projects, ito ay ang Department of Public Works and Higways o DPWH.
Samantala,sinabi ni Abante na ayon mismo kay INFRACOM chairman Rep. Terry Ridon ay bibigyan ng pagkakataon si Baguio Mayor Benjamin Magalong na makapag-prisinta ng mga ebidensiya para patunayan ang alegasyon niya ng korapsyon subalit ito umano ay kailangan niyang panumpaan.
“We (Congress) welcome criticisms but they should not be in the form of blanket accusation… pangalanan at huwag idamay lahat,” pagbibigay-diin ni Abante.














