Dalawang babaeng hinostage ang pinakawalan din naman ng hostage-taker matapos tanggapin ang P20,000 na ibinigay ng isang opisyal ng Manila Police District (MPD) sa loob ng RB Printing shop na matatagpuan sa panulukan ng CM Recto Avenue at Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Maynila, Martes ng hapon.
Naganap ang insidente pasado alas- 4 ng hapon nang pasukin ng suspek na nakilalang si alyas “Bok-jo”, ang printing shop at hinostage ang dalawang babaeng trahabador doon.
Nagbanta ang suspek na papatayin ang dalawang biktima kapag hindi siya binigyan ng pera, matapos kinalawit sa leeg ang mga biktima habang nakatutok ang patalim.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng MPD-PS3, SWAT at si intelligence chief LtCol. John Guiagui na siyang pinaka- senior na opisyal sa mga rumesponde at siyang nakipag- negosasyon.
“Kinausap ko siya (hostage taker) at mukhang kilala ako dahil former station commnader ako ng PS3 at nakuha ko ang tiwala niya. Humiling siya na bigyan siya ng pera at nag tanong ako wala naman sinabi pero nag alok ako ng halagang 20K kung saan pumayag ito,” ani Guiagui.
Una umanong inihagis ng suspek ang hawak na balisong at kinuha nito ang ibinigay na pera ni Guiagui bago matiwasay na sumuko sa mga pulis.
Sinamahan naman ng kanyang ina ang suspek nang isakay Ito sa van para dalhin sa presinto.














