Hollywood actor Gene Hackman at misis, natagpuang patay sa kanilang bahay sa New Mexico

ANG Oscar-winning na aktor na si Gene Hackman, 95, at kanyang misis na si Betsy Arakawa, 64, ay natagpuang patay noong Miyerkules sa kanilang tahanan sa New Mexico kasama ang kanilang aso, ayon sa pahayag ng Santa Fe County Sheriff’s Office.

Ang sanhi ng kanilang kamatayan ay hindi pa makumpirma o kung may foul play sa insidente, dagdag pa ng tagapagsalita ng Santa Fe County Sheriff’s Office na si Denise Womack-Avila noong Huwebes ng umaga (US time).


Ayon kay Womack-Avila, nagtungo ang mga awtoridad bandang alas-1:45 ng hapon noong Miyerkules sa bahay ng aktor para magsagawa ng welfare check matapos tumawag ang isang kapitbahay dahil nag-aalala sa kapakanan ng mag-asawa.

Doon ay tumambad ang mga wala nang buhay na sina Hackman, misis nitong si Arakawa na isang classical pianist at isang aso, ayon kay Womack-Avila.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon, ani ng tanggapan ng sheriff.


Ang resulta kung ano ang sanhi ng kanilang kamatayan ay “karaniwang tumatagal mula 4 hanggang 6 na linggo upang mabuo,” pahayag ni Chris Ramirez, tagapagsalita para sa tanggapan ng medical examiner ng New Mexico.

Sumikat si Hackman sa mga pelikulang tulad ng “The French Connection,” “Hoosiers,” “Unforgiven,” at “The Firm”.


Nanalo ang iconic actor ng dalawang Academy Awards, apat na Golden Globes, isang Screen Actors Guild Award at dalawang British Academy Film Awards (BAFTAs).

Nakakuha rin niya ang nominasyon sa Oscar para sa kanyang role sa pelikulang “Bonnie & Clyde,” “I Never Sang for My Father” at thriller na “Mississippi Burning.”


Nagretiro siya sa Hollywood noong 2004, matapos gawin ang huli niyang pelikula “Welcome to Mooseport.”

Bumuhos naman ang tribute para sa aktor sa pangunguna ng Oscar-winning director na si Francis Ford Coppola na nakatrabaho ni Hackman sa “The Conversation.”

Ani Coppola sa kanyang post: “The loss of a great artist, always cause for both mourning and celebration. A great actor, inspiring and magnificent in his work and complexity. I mourn his loss, and celebrate his existence and contribution.”



Sa social media post ng aktor at writer na si George Takei, tinawag nito si Hackman na: “One of the true giants of the screen.”

“Gene Hackman could play anyone, and you could feel a whole life behind it. He could be everyone and no one, a towering presence or an everyday Joe.

“He will be missed, but his work will live on forever,” dagdag pa nito.

Tags: Gene Hackman

You May Also Like

Most Read

Latest News