Naghayag ng pag-pabor ang Supreme Court (SC) sa petisyon ng kapatid ng nasawing miyembro ng Philippine Air Force(PAF) combat pilot na balikatin ang naiwan nitong bayarin sa housing loan para maiwasan na ma-foreclose ang nasabing property.
Ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa ng SC Third Division,ang petitioner na si Felimon C. Torres (Felimon), kapatid at nag-iisang tagapagmana ng nasawing military pilot na si Dominador dela Cena Torres, Jr., ay pinayagan na mag-apply para sa restructuring ng outstanding housing loan sa Government Service Insurance System (GSIS).
“The socialized guarantee of security is most required by Filipinos who serve in the military and allied forces—they who stand in uniform, daily put their lives on the line and protect our lives and liberties, often at the cost of theirs,”a yon sa SC.
“[T]he assurance of dignity of a shelter to come home to is earned, even deserved, by those who all too often have to leave their lives behind and march towards the threat of their early graves at a moment’s notice,” dagdag pa ng SC.
Napag-alaman na noong 1979 ay nakakuha si Dominador sa ilalim ng Deed of Conditional Sale ng isang low-cost housing unit sa Soldiers’ Hills Village, Muntinlupa City sa pamamagitan ng GSIS na babayaran ng kanyang suweldo kada buwan.
Gayunman, di pa natatapos ang isang taon ay nasawi si Dominador matapos na bumagsak ang pinalilipad niyang helicopter sa isang misyon sa Mindanao. Si Dominador ay binata at patay na rin ang mga magulang nito, kung kaya’t ang kanyang kapatid na si Felimon ang nagsilbi niyang tagapagmana.
Ang GSIS Quezon City Branch Office, ay pinadalhan ng notice of foreclosure dahil sa hindi pagbabayad ng buwanang dues.
Pinalagan ito ni Felimon at iginiit nito na ang property ay dapat ma-consolidate sa kanyang pangalan sa ilalim ng GSIS Sales Redemption Insurance (SRI) policy na pinayagan naman ng Korte Suprema.