TINIYAK ng Armed Forces of the Philippine partikular sa hanay ng Philippine Air Force na pananatilihin at mas hihigitan pa ng kasundaluhan ang kanilang sinumpaang tungkulin sa kanilang sama -samang pahayag kaugnay sa pagwawakas ng International Humanitarian Law (IHL) commemoration nitong nakalipas na buwan.
“We reiterate our collective commitment to contribute to the full and proper implementation of IHL in all our campaigns and operations,” ito ang ilan sa mga salitang ikintal sa isipan ng kasundaluhan ni Armed Forces of the Philippines Chief-of-Staff Gen. Bartolome VO Bacarro.
Ang month-long celebration ng IHL kaagapay ang Hukbong Sandatahan ay naglalayong pagtibayin ang kanilang “collective commitments” o ang sabi nga nila’y pagbibigay proteksyon sa mga Pilipino, sundalo man o mamamayan, sakop nito ang buong estado. Hindi biro ang ganitong bagay kaya mapapaisip tayo ng “paano?”.
Saklaw ng IHL ang mga armadong labanan sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod ng AFP sa mga prinsipyo ng IHL at pagtalima sa promulgasyon nito. Sinasabing sinasalamin nito ang pangkalahatang core principles na naghihiwalay sa pagitan ng mga sibilyan at mga mandirigma. Ito ang magiging batayan ng kasundaluhan sa mga kakaharaping pagsubok.
Bunsod nito ay nagkakaroon ng serye ng mga pagpupulong upang matiyak na ang mandato ay pantay-pantay na nasusunod ayon sa IHL. Ito ang hakbangin na titiyak na nabibigyang halaga ang IHL at maayos naisasagawa ang mga operasyong nakapaloob sa sinumpaang tungkulin.
Napaigting lalo ito sa pagbuo ng AFP sa tinatawag nilang Center for Law of Armed Conflict (CLOAC) kabilang dito ang Major Services, Unified Commands, at AFP-Wide Service Support Units.
Naniniwala ang pamunuan ng AFP na mapapanatili nito ang kakayahan na pagsubaybay sa mga lalabag sa mga probisyon, lalong lalo na sa hanay ng Communist Terrorist Group (CTG).
Kaugnay sa IHL, nagkakaroon naman ng pagbabahagi ng gawi at kaalaman sa mga reservist upang maging force multiplier sa pagbibigay kaalaman sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Dahil sa pagkakaroon ng inisyatibong ito, ay may 166 IHL violation reports ang naisumite sa PNP-CIDG at NTF ELCAC.
Sa pagkakabuo at pagsasabatas ng Republic Act 9851 o ang localized version ng IHL, mas lalong mabibigyang- diin at linaw ang proteksyong ibinibigay sa bawat Pilipino at pagpapataw ng parusa sa mga lumalabag nito lalo na ang mga CTG sa ilalim ng mga probisyon ng naturang batas.
Makikita ng lahat ang pagpapahalaga sa pag-uusig at pagpapatunay sa mga ulat na ginagawa ng AFP para sa kanilang mahusay na estratehiya. (VICTOR BALDEMOR)