UMABOT na sa 69,967 benepisyaryo ang nabigyan ng educational assistance mula sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa buong bansa.
Sinabi ni DSWD spokesperson Asec. Rommel Lopez sa Balitaan sa Maynila na ito ay may kabuuang halaga na P175,623,000.
Pagdating naman sa National Capital Region o NCR lamang ay nasa 2,013 benepisyaryo ang nasilbihan na ng DSWD na umabot na rin sa P4,917,000 ang naipamahagi.
Tiniyak ni Lopez na ang pamamahagi ng educational assistance ay tuloy-tuloy hanggang Setyembre 24 tuwing Sabado ngunit nilinaw nito na tanging ang mga nakatanggap lamang ng ‘text confirmation’ na nag-online registered ang kanilang i-accomodate upang maging maayos ang proseso ng mapapahagi ng ayuda.
Siniguro rin ni Lopez base na rin sa kagustuhan aniya ni DSWD Sec. Erwin Tulfo na gagawa sila ng guidelines upang ma-accomodate ang mga karapat-dapat na benepisyaryo na hindi makapag-online registration dahil sa kawalan ng access sa internet at gadget lalo sa malalayong lugar kaya sila ay dumadagsa at nagwo-walk in na lamang.
“Tutulungan sila ng ating LGU upang sila ay makapag online registered,” ani Lopez.
Wala naman aniyang nakikitang problema pagdating sa pondo para sa educational assistance dahil P363 milyon pa lamang aniya ang naipamahagi kung saan P1.5 bilyon ang nakalaan para dito.