Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na umaabot na sa mahigit 72.6 milyong Pinoy ang fully-vaccinated na laban sa COVID-19 hanggang nitong Setyembre 4, 2022.
Sa vaccination updates na inilabas ng DOH, nabatid na sa naturang bilang, 6.8 milyon ang senior citizens.
Halos 9.9 milyon naman ang mga bakunadong adolescents habang 4.7 milyon ang mga bata.
Anang DOH, halos 18.2 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng first booster dose habang mahigit 2.3 milyon naman ang nakatanggap na ng second booster shots.
Sa ilalim naman ng PinasLakas Campaign na isinasagawa ngayon ng pamahalaan, nabatid na hanggang Setyembre 4, 2022, umaabot na sa 26,268 ang A2 o senior citizen, mula sa 1.07 milyong target ang nabigyan ng booster dose.
Samantala, umaabot naman sa 2,252,080 ng 23 milyong target ang nabigyan ng first boosters.
Sa kasalukuyan ay nakapagtayo na rin umano ng 19,283 PinasLakas sites sa buong bansa, ayon pa sa DOH. (Anthony Quindoy)














