UMAABOT na sa mahigit 470,000 na overseas absentee voters (OAV) at nasa 60,000 na local absentee voters (LAVs) ang nakaboto na para sa halalan sa Mayo 9.
Sa ulat ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado, nabatid na umaabot na sa 427,559 ang OAVs na nakaboto na sa eleksiyon.
Ang naturang bilang ay 27.84% ng kabuuang 1,697,215 registered voters overseas.
Ayon sa Comelec, kasama sa naturang bilang ang 181,399 OAVs na bumoto sa Middle East at Africa; 170,752 sa Asia-Pacific region, 72,323 sa North at South America at 48,084 sa Europa.
Samantala, iniulat rin ng Comelec na nasa 60,000 naman na ng LAVs ang nakaboto na rin.
Ito ay 75% ng mahigit 84,000 registered LAVs sa bansa.
Anang Comelec, kabilang dito ang 32,322 LAV mula sa Philippine National Police (PNP), 20,219 mula sa Philippine Army; 2,756 mula sa Philippine Air Force, 1,653 mula sa Department of Education (DepEd) at 868 miyembro ng media.
Ang overseas voting period ay idinaos ng Comelec simula Abril 10 at magtatapos hanggang sa mismong araw ng halalan sa bansa sa Lunes habang ang LAV ay idinaos naman mula Abril 27 hanggang 29.
Una nang sinabi ng Comelec na ang maaari lamang iboto ng mga overseas at local absentee voters ay mga kandidato sa national positions, gaya ng pangulo, ikalawang pangulo, mga senador at party-list group. (Jaymel Manuel)