AGAD na pinakilos ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Manila Social Welfare Department (MSWD) sa ilalim ng pamumuno ni Re Fugoso upang bigyan ng mabilis na tulong ang di bababa sa 3,000 katao o 600 pamilya na naapektuhan sa naganap na sunog sa Isla Puting Bato Sa Tondo, Maynila Linggo ng umaga.
Napag-alaman na pinahahanapan na rin ni Lacuna ng iba pang lugar ang mga naninirahan sa Isla Puting Bato dahil hindi na umano ligtas para sa kanila ang nabanggit na lugar matapos magkasunog dito ng ilang beses na. Mananatili muna sa Delpan Evacuation Center ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
Hihilingin rin umano ni Lacuna sa Manila City Council na ilagay sa ilalim ng state of calamity ang mga apektadong barangay.
“We will make sure the evacuees have cash aid, food and house reconstruction materials from our LGU, DSWD and hopefully from other sources as well. We must come together to help the fire victims in their hour of dire need,” dagdag ni Lacuna .
Napag-alaman na dalawang Philippine Air Force (PAF) aircraft, apat na fire boat at 66 na firetrucks ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nagtulong-tulong para maapula ang sunog na nagsimula alas-8:02 ng umaga.
Idineklarang ‘under control’ ang sunog pasado alas- 2 ng hapon ang sunog na umabot sa ‘Task Force Charlie’ ang alarma.
Patuloy na iniimbestigahan ng arson division ang sanhi ng sunog at halaga ng mga naabong ari-arian.