Higit 3,500 motorista, hinuli ng LTO-NCR LEU sa Enero 2024 sa paglabag sa batas trapiko

By: Philip Reyes

Umaabot sa 3,510 motorista ang hinuli ng mga tauhan ng Law Enforcement Unit ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) noong Enero 2024 dahil sa paglabag sa iba’t ibang batas-trapiko.

Sa ulat ng LTO-NCR, nabatid na sa kabuuan, 1,860 motorista ang nahuli dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 4136, o mas kilala bilang Land Transportation and Traffic Code, kasama na ang 311 hindi rehistradong sasakyan.

Nasa 1,097 motorista naman ang nahuli dahil sa hindi paggamit ng seat belt devices, na paglabag sa RA 8750.


Mayroon ring 535 motorista ang nahaharap sa mga parusa dahil sa paglabag sa patakaran na pagsusuot ng standard protective motorcycle helmet o RA 10054; tatlo ang lumabag sa Anti-Distracted Driving Act o RA 10913; 14 ang hindi tumalima sa Children Safety on Motorcycle Law o RA 10666; at isa ang nahuling nagmamaneho habang nasa ilalim ng impluwensya ng ipinagbabawal na droga o RA 10586.

Bukod dito, nahuli rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 25 motorista, habang kumilos naman ang Philippine National Police (PNP) laban sa 193 indibidwal sa parehong panahon.

Kaugnay nito, tiniyak ni LTO-NCR Regional Director Roque “Rox” I. Verzosa III na magpapatuloy ang mga operasyong ito sa buong taon.

Aniya pa, ang kanilang puspusang operasyon ay isinasagawa sa ilalim ng gabay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime “Jimmy” J. Bautista at LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II.


“Asahan ninyo ang LTO-NCR ay patuloy na magpapatupad ng batas trapiko para sa kaligtasan ng ating mga motorista,” sabi ni Verzosa.

Tags: Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR)

You May Also Like

Most Read