Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na mahigit na sa 3,000 biyahero ang kasalukuyang stranded sa ilang pantalan sa bansa kasunod ng pananalasa ng bagyong Enteng.
Sa datos ng PCG, nabatid na mula 8:00AM hanggang 12:00NN kahapon ay may kabuuang 3,383 pasahero, truck drivers at cargo helpers na ang stranded sa mga pantalan sa mga rehiyon ng Southern Tagalog, Western Visayas, Bicol, at Eastern Visayas.
Pinakamarami umanong stranded sa Eastern Visayas na nasa 1,966 kasunod ang Bicol na nasa 963; Western Visayas na nasa 389 at Southern Tagalog na nasa 65.
Hindi naman makabiyahe ang nasa 47 barko, 718 rolling cargoes at tatlong motor bancas.
Mayroon ring 35 barko at 16 na motor banca ang pansamantalang nagkakanlong sa iba pang mga pantalan.
Samantala, dakong alas-11:00 ng gabi kamakalawa ay naglabas na ang Coast Guard Station Bataan ng PCG ng sea travel advisory dahil sa bagyong Enteng na nagsususpinde sa biyahe ng mga barko na ang point of destination ay dadaan sa mga lugar na apektado ng bagyo, maliban na lamang kung gagawin umano ito upang humanap ng shelter o kanlungan doon.
Maaari naman umanong ipagpatuloy ang paglalayag kung bumalik na sa normal ang lagay ng panahon at karagatan, alinsunod sa deklarasyon ng Pagasa.
“[Sea passengers], coastal communities, and fisherfolk are advised to refrain from engaging in any [maritime-related] activities to prevent any untoward incidents,” abiso ni CGS Bataan Commander, CG Lieutenant Commander Michael John Encina.