NAKAPAGTALA na ng higit sa dalawang milyon na bagong rehistrong botante ang isinasagawang voters registration ng Commission on Elections (Comelec) nitong Hulyo 20.
Sa ika-15 araw ng voters registration, nasa kabuuang 2,119,878 ang nadagdag sa bilang ng bagong registrants.
Kabilang sa bilang na ito ang: 15-17 taong gulang- 1,326,415; 18-30 taong gulang- 680,497; at 31 pataas- 112,966.
Nasa kabuuang 2,793,285 aplikasyon ang naproseso ng Comelec nitong Hulyo 20.
Ang pagbubukas ng voters registration ay para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Disyembre.
Tatagal lamang ito hanggang Hulyo 23 at maaaring magtungo ang mga aplikante sa mga election office mula Lunes hanggang Sabado kabilang ang holidays para makalahok sa darating na halalan. (Carl Angelo)














