UMABOT na sa higit 1,000 sumbong ng ‘vote buying’ ang natanggap ng Task Force Kontra-Bigay na binubuo ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at iba pang ahensya pero hindi maaksyunan dahil sa kawalan ng matapagn na testigo na magpapatunay sa alegasyon.
“Many of the reported vote buying incident na idinulog doon, takot naman na mag-testify o walang witnesses, or walang ebidensya,” ayon kay Comelec Commissioner Imee Ferolino.
Karamihan umano sa mga reklamo ay nagpadala lamang umano ng ‘vote-buying’ videos, subalit walang kalakip na impormasyon kung saan at sinong kandidato ang nasa likod ng aktibidad.
May 49 sa mga reklamo ang nasala dahil sa may mga kalakip na ebidensya na masusing iniimbestigahan ng Task Force.
Para naman sa Law Department ng Comelec, higit sa 80 reklamo na ang kanilang natanggap at 73 sa mga ito ay ukol sa ‘vote buying’ mula pa noong Pebrero 9.
Sa 73 sumbong ng ‘vote buying’, 52 na ang inaksyunan, 12 ang idinocket, at ang iba ay isinasailalim pa sa ebalwasyon.
Iniimbestigahan rin nila ngayon ang ulat ng posibilidad na ‘vote buying’ sa Surigao del Sur makaraan na malaking pagtaas sa bentahan ng mobile phones ang maitala matapos ang mismong araw ng halalan.
Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa National Telecommunications Commission (NTC) upang mabatid kung may impormasyon ang ahensya ukol sa naturang impormas. (Carl Angelo)