Magandang balita para sa mahigit 18,000 mga mag-aaral ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM).
Matatanggap na ng mga nasabing college students ng ang tig-P2,000 allowance nila mula sa pamahalaang-lungsod ng Maynila, matapos ipag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna na ilabas na ang pondo para dito.
Napag-alaman na ang naturang halaga ay kumakatawan sa dalawang buwan na monetary assistance mula sa Manila local government para sa mga naturang mag-aaral mula sa naturang unibersidad, o tig-P1,000 para sa mga buwan ng Nobyembre at Disyembre 2024.
“Ang maliit na tulong na ito ay isang patunay ng ating buong suporta sa ating mga mag-aaral para makatulong at makapagtapos sila sa kolehiyo,” ayon kay Lacuna.
Isinaad ni Lacuna na may kabuuang 18,692 ang bilang ng college students ng PLM at UdM na tatanggap ng nasabing allowance.
Mula sa naturang bilang, 8,200 ang mula sa PLM at 10,492 naman ang mula sa UdM.
Ang mga mag-aaral mula sa PLM ay maaaring kumubra ng allowance sa pamamagitan ng kanilang debit card accounts habang ang mga mag-aaral naman mula sa UdM ay makakatanggap ng allowance sa pamamagitan ng personal na payout.
Ayon kay UdM President Dr. Felma Carlos-Tria, kasalukuyan nang inaasikaso ng pamahalaang- lungsod ang proseso ng payout para sa kanilang mga mag-aaral.
Ipinaliwanag ni Tria na hindi katulad sa PLM na ang allowance ay downloaded, ang allowances ng UdM students ay nire-release aniya sa pamamagitan ng payouts, kung saan ang petsa ay ini- schedule na sa ngayon.
Tiniyak naman ni Lacuna na inaayos na ng kanyang administrasyon ang pagkakaroon din ng debit cards ng mga estudyante ng UdM kagaya ng PLM.
Ang pagbibigay ng buwanang cash allowances sa mga college students ay bahagi ng social amelioration program (SAP) na nilikha at ipinasa noong si Lacuna pa ang Presiding Officer ng Manila City Council, isang posisyon na kanyang hinawakan kasabay ng pagiging bise- alkalde ng lungsod. Ang PLM at UdM ay kapwa pinatatakbo ng Maynila.