Latest News

HIGIT 1 MILYONG LITRO NG LANGIS NA ANG NAKULEKTA SA BATAAN

By: JANTZEN ALVIN

Umabot na nang mahigit isang milyong litro ang langis na nakolekta ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa lumubog na motor tanker (MTKR) Terranova sa Bataan.


Batay sa datos ng PCG, lumilitaw na simula noong Agosto 19, kung kailan sinimulan ang siphoning operation, ay nasa kabuuang 1,032,557.58 litro na ng ‘oily waste’ ang kanilang nakolekta mula sa motor tanker.

Ipinasilidad na rin umano ng PCG ang paglilipat ng mga nasipsip na langis mula sa MTKR Terranova sa ibang barko, na siyang maghahatid naman ng mga ito sa dockyard sa Bataan.

Ayon sa PCG, mino-monitor ng Oil Spill Response Team ang paglilipat ng oily waste sa Orion Dockyard at wala naman silang tagas na naobserbahan sa operasyon habang nagsasagawa rin naman umano ang BRP Panglao ng aerial surveillance sa ground zero.


Nasa 346,000 litro ng langis ang naisakay na sa mga trucks sa Orion Shipyard upang ibiyahe sa isang waste management facility sa Marilao, Bulacan para sa proper disposal.

Matatandaan na noong Hulyo 25 nang lumubog ang MTKR Terranova sa Limay, Bataan habang may lulang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil.


Isang tripulante nito ang namatay sa naturang trahedya habang nasagip naman ang 16 na iba pa.

Bukod sa MTKR Terranova, lumubog rin sa karagatang sakop ng Bataan ang MTKR Jason Bradley habang sumadsad naman ang MV Mirola 1.


Tags: Philippine Coast Guard (PCG)

You May Also Like