HIGIT 1 MILLION PASSENGERS, DUMAGSA SA MGA PANTALAN

By: Jesse Ruiz

LAGPAS sa isang milyon ang bilang ng mga pasaherong dumaan sa iba’t-ibang pantalan sa bansa sa gitna ng inaasahang Undas exodus, ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).

Ayon sa pinakahuling passenger traffic update ng PPA, umabot sa 1,026,049 ang kabuuang bilang ng mga biyahero mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 1.


Nakapagtala naman ng 36,753 pasahero hanggang alas-8 ng umaga nitong Linggo, Nobyembre 1.

Pinakamaraming pasahero ang naitala noong Sabado na nasa 245,718, habang 222,874 naman ang naitala noong Biyernes.

Inaasahan ng PPA na aabot sa 1,934,604 ang kabuuang bilang ng mga pasaherong daraan sa mga pantalan mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 5. Mas mataas ito sa tinatayang 1,905,063 pasahero noong nakaraang taon.


Kabilang sa mga pantalan na inaasahang may pinakamalaking volume ng pasahero ang Iloilo River Wharf, Babak Port sa Davao del Norte, Batangas Port, Jordan Port sa Guimaras at Sasa Port sa Davao.

Magugunitang ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang pagpapatupad ng 24/7 ticketing system sa Manila North Port sa Tondo.


Kasunod ito ng insidente kung saan isang 54-anyos na pasahero ang napilitang magpalipas ng gabi sa labas ng pantalan dahil hindi agad nakabili ng ticket para sa pinakamaagang biyahe patungong Bacolod.

Sinabi ng PPA na posible ang 24/7 ticketing system at inatasan ang 2Go na magtalaga ng kahit isang personnel na may working computer upang matulungan ang mga pasaherong dumarating sa pantalan kahit disoras ng gabi.


Sa pagtataya naman ng Philippine Coast Guard, aabot sa mahigit 1.18 million ang maritime passenger volume na dadagsa sa mga pantalan mula Oct. 29 hanggang Lunes November 2, 2026 .

Kahapon Lunes ng umaga ay may naitala ng 623,957 outbound passengers at 565,772 inbound travelers sa iba’t- ibang Puerto sa bansa, ayon sa datos ng PCG kaugnay sa inaasahang UNDAS exodus.

Hanggang kahapon ng madaling araw ay mga mga humahabol pa sa biyahe para sa All Souls’ Day, kung saan umabot sa 23,000 pasahero ang dumagsa sa mga pantalan.



Sa monitoring ng PCG, nasa 12,108 outbound passengers ang kanilang naitala habang nasa 11,414 inbound passengers naman ang sumakay mula hatinggabi hanggang 6 a.m. nitong Lunes, habang umaabot naman sa 2,124 outbound rolling cargoes at 2,066 inbound rolling cargoes ang naitala.

Tags: Philippine Ports Authority (PPA)

You May Also Like

Most Read