Hindi na nakaporma pa ang isang High- Value Individual (HVI) drug suspect matapos siyang makuhanan sa buy-bust operation ng humigit- kumulang na 135 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,754,000 sa inilatag na anti- narcotics operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEU-QPPO, PIU-QPPO, PDEA 4A Quezon at Lucena PNP Intel/SDEU sa Brgy. Ibabang Iyam Lucena City.
Kinilala ang naarestong HVI drug suspect na si Khristian Joy Medina alyas ‘Tigas’ 30, residente ng Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City at itinuturing na isang HVI na may previous drug case involvement.
Nakumpiska mula sa suspek ang 10 piraso ng P1,000 peso bills na ginamit bilang buy-bust money kasama ang dalawang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet, dalawang knot- tied transparent plastic bag at isang itim na belt bag.
“Anumang araw o oras ang Quezon Police ay mas pinalalawak ang bawat kampanya kontra ilegal na droga upang ang ating pamayanan ay masiguro sa bantang maaaring idulot nito sa ating kababayan. Ang pinaigting na mga operasyon sa buong lalawigan ay ating pinaiiral bilang pagbabantay sa tahimik, ligtas, at maunlad na bayan.” ani ni PCOL Monte.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Lucena PNP upang ihanda ang isasampang kaso laban sa kanya.