By: JANTZEN ALVIN
Nag-oorganisa ng kilos-protesta ang mga high-profile inmates na kinabibilangan ng mga convicted drug lords at murderers na nai-relocate sa high security prison facility sa Mindoro para maibalik sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Ito ang ibinulgar ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Gregorio Catapang, Jr. base sa mga nakalap niyang impormasyon.
Sinabi ni Catapang na may mga nagpa-plano ng protest rally at nangongolekta ng lagda sa mga kapwa persons deprived of liberty (PDL) para sa kanilang petisyon na maibalik sa Maynila.
Ipinaliwanag ni Catapang na ang mga inmates ay nahihirapan na maipagpatuloy ang kanilang illegal drug operation at iba pang iligal na aktibidad nang malayo sila sa NBP.
“Some of them are struggling to conduct their transactions. They resort to writing down their dealings on paper, then discreetly passing these notes to erring guards to capture images, thus facilitating the transactions,” ayon kay Catapang.
Kaugnay nito, nagbabala naman si Catapang sa mga correction officers na manatiling vigilant at maghanda sa potensiyal na kilos-protesta.
Napag-alaman na kamakailan ay may 500 convicted drug lords ang nai-relocate sa “SuperMax” Correctional facility sa Mindoro, habang ang karagdagang 500 high-profile inmates ,kabilang na ang mga murderer, ay inilipat sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan.
Sinabi ni Catapang na ang paglilipat ng.mga preso ay ginawa para mabawasan ang pagsisikip ng.mga preso sa NBP at mahiwalay ang mga magugulong preso sa mga matitinong preso.
Nalaman na ang lokasyon ng Mindoro facility ay nasa bulubunduking rehiyon at walang cell sites kaya hindi ubra ang mga hindi awtorisadong komunikasyon.














