PINAGTULUNGANG patayin saka inilagay sa loob ng poso negro ang isang helper sa Peñablanca, Cagayan.
Kinilala ng Peñablanca Municipal Police Station ang biktima na si John Mark Soriano, 20, helper sa isang farm at residente ng Barangay Parabba sa nasabing bayan.
Nabatid na isang opisyal ng Barangay Baliwag ang nagturo sa mga awtoridad noong nakalipas na linggo kung nasaan ang bangkay , ayon kay Police Major Harold Ocfemia, hepe ng Peñablanca Police Office.
Agad na nagsagawa ng pagsisiyasat ang mga pulis na nagresulta upang matukoy ang isa sa sinasabing limang suspek sa likod ng pagpatay sa biktima.
“Kwento ni Kagawad, habang nasa kaniyang outpost ay biglang may lumapit sa kaniya na isang tao at sinabing siya nga raw po ang may kagagawan dun sa pangyayari. Isa rin na helper dun sa bahay na ‘yun,” ani Ocfemia.
Nadakip ang suspek sa isinagawang follow-up operation at nakumpirma na may mga kasabwat pa ito sa pamamaslang.
Batay sa imbestigasyon, natutulog umano ang biktima gabi noong Martes, Setyembre 13, nang siya ay patayin.
Lumalabas din na personal ang motibo sa pagpatay sa biktima na pinagbibintangang kumuha sa cellphone ng isa sa mga suspek na nagkakahalaga ng P9,500 at pilit na pinababayaran sa biktima.
“Pinagbibintangan din ang biktima na isa sa pumatay sa alagang kabayo nitong isang suspek,” ani Ocfemia.
Inihahanda na ang reklamong murder o pagpatay laban sa limang suspek na sinasabing nakuhan din ng CCTV sa pinangyarihan ng insidente. (VICTOR BALDEMOR)














