Prayoridad umano ng Department of Health (DOH) ang mga nasa A1 category o mga health workers sa isang milyong doses ng Pfizer bivalent COVID-19 vaccine na darating sa katapusan ng Marso.
Nabatid sa DOH na ang naturang inisyal na donasyon ng bivalent vaccines ay mula sa COVAX facility.
Base umano sa mga kondisyong itinakda ng COVAX facility, nakatakda namg ipagkaloob ang mga naturang bakuna sa mga frontliners na kabilang sa A1 category o healthcare workers, gayundin sa vulnerable population, kabilang ang nasa A2 category o mga senior citizen at A3 category o mga individuals with comorbidities.
“The DOH has already secured an initial donation of around 1 million doses of Bivalent COVID-19 Pfizer vaccines from COVAX facility,” anang DOH, sa isang Viber message sa mga mamamahayag nitong Huwebes.
“It is expected to arrive in the Philippines before the end of March 2023,” dagdag pa nito.
Tiniyak naman ng DOH na sa sandaling dumating na ang mga karagdagang doses ng naturang bakuna ay palalawakin pa nila ang pagkakaloob nito sa iba pang priority groups.
Sinabi pa ng DOH na habang hinihintay pa ang pagdating ng mga naturang bivalent vaccines ay isinasapinal na rin nila ang mga guidelines sa paggamit nito.
Nabatid na ang bivalent vaccines ay modified vaccines, na ang target ay ang omicron variant at ang original form ng virus. (Philip Reyes)