MULING pinagsabihan ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na turista na dumadagsa pa rin sa mga tourist destination na sumunod sa ipinatutupad na ‘minimum public health standards (MPHS)’ kasunod ng pagkalat ng mga litrato ng hindi na pagsunod dito ng mga nagbabakasyon nitong Semana Santa.
Iginiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa nawawala ang virus na mas nagiging nakahahawa pa nga dahil sa pagsulpot ng mga bagong variants at sub-variants.
“We understand that everyone may be excited to enjoy leisure activities and gatherings. However, the virus is still present and we must be vigilant in our response to avoid another potential rise in the number of cases especially amidst the threat of recombinant variants across the globe,” ayon kay Vergeire.
Tinatawag ngayon na ‘revenge tourism’ ang pagdagsa ng mga lokal na turista sa mga sikat na destinasyon makaraan na makulong sa loob ng dalawang taon dahil sa mga lockdown kaugnay ng pandemya.
Hinikayat pa rin ng DOH ang mga kuwalipikadong publiko na kumuha na ng kanilang ‘booster shot’, lalo ang mga nakatatanda dahil sa bumababa umano ang pagiging epektibo ng bakuna pagdating ng oras.
Kabilang sa destinasyon na kinakitaan ng mga bayolasyon ay ang Boracay na umabot sa 22,519 ang bilang ng turista sa kabila na nasa 19,215 lamang ang ideyal na lamanin nito. Bukod sa hindi pagsunod sa ‘social distancing’, nakitaan rin ang mga lokal na turista na hindi na gumagamit ang marami ng face mask. (Jaymel Manuel)














